Nananatiling miyembro ng Malacañang Press Corps o MPC si Pia Ranada ng Rappler.
Sa kabila ito ng total ban na ipinatupad ng Malacañang para i-cover ni Ranada at ng Rappler ang Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang kaganapan sa Palasyo.
Ayon kay Raymond Tinaza, Pangulo ng MPC, mananatiling miyembro ng kanilang organisasyon si Ranada hanggat wala pang final ruling ang Court of Appeals sa desisyon ng Securities and Exchange Commission o SEC na ipawalang bisa ang lisensya ng Rappler.
Binigyang diin ni Tinaza na isang independent organization ang MPC na may sariling guidelines sa pagkuha ng mga miyembro kaya’t hindi sila puwedeng pakialaman ng Malacañang.
Gayunman, aminado si Tinaza na kahit ang mga miyembro ng MPC ay hindi awtomatikong puwedeng mag-cover sa Malacañang kung walang accreditation na magmumula sa Presidential Communications Office o PCO.
Ngayong araw na ito, nakatakdang magpulong ang MPC upang bumuo ng consensus kung dapat silang magpalabas ng kanilang posisyon hinggil sa sitwasyon ni Ranada.
Sinabi ni Tinaza na nakatakda rin silang makipag-dialogue kay PCOO Secretary Martin Andanar upang magkaroon ng linaw ang biglaang pag-ban kay Ranada sa Malacañang.
—-