Malaya pa ring manatili sa tanggapan ng Malacañang Press Corps sa New Executive Building sa Malacañang si Pia Rañada ng Rappler.
Sa kanyang press briefing, sinabi Presidential Spokesman Harry Roque na mananatiling miyembro ng MPC si Rañada habang nakabinbin pa ang apela ng Rappler sa desisyon ng Securities and Exchange Commission o SEC na ikansela ang lisensya ng online newspaper.
Ayon kay Roque, sakaling maging pinal ang desisyon ng SEC, kailangan nang lumipat ni Rañada sa Foreign Correspondents Association of the Philippines o FOCAP at matituring na siyang kabilang sa mga dayuhang kumpanya ng pamamahayag.
“The SEC has ruled that they are controlled by foreigners, if upheld by the CA it becomes final, so we cannot treat Rappler as a domestic mass media corporation because to do so would be to violate the Constitution, so as foreign controlled entity they can certainly report under FOCAP, we’re not even curtaining the freedom of the press because FOCAP, foreigners can report in the Philippines.” Pahayag ni Roque
Una rito ay pinagbawalang mag-cover sa loob ng Palasyo ng Malacañang si Rañada.
Napag-alamang hinarang ng Presidential Security Group o PSG si Rañada nang papasok ito sa New Executive Building kung saan naroon ang tanggapan ng Malacañang Press Corps o MPC na kanyang kinabibilangan.
Gayunman, makaraan ang ilang sandali ay pinayagan rin si Rañada na pumasok sa NEB subalit nilinaw ng PSG na hindi siya puwedeng pumasok sa Palasyo.
Matatandaan na sa hearing Senado hinggil sa frigate deal, tinawag na fake news ni Special Assistant to the President Bong Go ang inilathalang balita ng Rappler at ng Philippine Daily Inquirer hinggil sa di umano’y pakikialam nito sa frigate deal.
—-