Idinepensa ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito sa Pilar Municipal Police Station sa lalawigan ng Abra.
Ito’y matapos akusahan ng kampo ni Pilar Vice Mayor Jaja Josefina Disono na bias o may kinikilingan umano ang mga Pulis doon.
Ayon kay PNP Chief, P/Gen. Dionardo Carlos, tumutupad lang ang mga Pulis Pilar sa kanilang trabaho at patunay aniya rito ang CCTV footages na inilabas ng kampo mismo ni Disono.
Tinabla ni Carlos ang katwiran ni Disono na lisensyado ang mga baril na bitbit ng kaniyang mga bodyguard dahil mahigpit aniyang ipinagbabawal ito ng batas.
Wala rin aniya sa sasakyan ng Bise Alkalde ang matataas na kalibre ng armas na kanilang isinuko kung hindi ay nasa van na nagsisilbi niyang Security Escort.
Magugunitang 1 sa mga body guard ni Vice Mayor Disono ang nasawi matapos makipagbarilan sa mga Pulis nang takasan nito ang inilatag na checkpoint sa Brgy. Poblacion nuong isang linggo.