Pasok ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang may malalang trapiko sa buong mundo.
Batay sa report ng Traffic Index for Country 2015 mid year, nasa ika-limang puwesto ang Pilipinas at nanguna sa listahan ang Egypt, ikalawa ang South Africa, ikatlo ang Thailand at ika-apat ang Iran.
Pasok naman sa top 10 sa mga bansang may matinding trapiko ang Turkey, Russia, India, Brazil at Argentina.
Noong Enero, ang Pilipinas ay nasa ika-siyam na puwesto sa 88 bansang nasa traffic index.
Samantala, 6 bilyon kada araw ang posibleng malugi sa Pilipinas simula sa 2030 dahil sa masikip na daloy ng trapiko.
Iginiit ito ng Japan International Cooperation Agency (JICA) makaraang pumang-lima ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamatinding pagsisikip ng trapiko sa buong mundo.
Ayon sa JICA, unti-unting nawawala ang competitiveness ng Pilipinas dahil sa maraming oras na nauubos sa pakikipaggitgitan sa kalsada.
Pinayuhan ng JICA ang Pilipinas na palakasin ang mass transport system bilang solusyon sa masikip na daloy ng trapiko.
Dapat anila ay nakasalalay sa tren ang 41 percent ng transportasyon ng bansa, ibaba sa 33 percent ang dependency sa mga bus at jeepneys at 26 percent lamang sa mga kotse.
Pinuna ng JICA na 62 percent ng transportasyon sa mauunlad na bansa sa Asya tulad ng Japan ay nakasalalay sa mga tren.
By Judith Larino | Len Aguirre