Walang anomang magiging problema ang Pilipinas sinuman kina US President Donald Trump o dating Senador Joe Biden ang umupong Pangulo ng Amerika.
Ayon ito kay Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez sa gitna nang patuloy na pag-antabay ng mundo sa takbo ng bilangan ng mga boto sa eleksyon sa Estados Unidos.
Binigyang diin ni Romualdez na mananatiling malakas at matagal nang kaalyado ng Pilipinas ang Amerika kahit anupaman ang mangyari sa eleksyon dito.
Gayunman sinabi ni Romualdez na kailangang irespeto ng Amerika ang soberanya ng Pilipinas bagamat igagalang din ng gobyerno ang opinyo nito sa anumang usaping nais nitong isulong.
Kasunod na rin ito nang paglutang ng posibilidad na igiit ni Biden sakaling manalo sa eleksyon ang usapin hinggil sa patuloy na pagkakakulong ni Senador Leila De Lima o ang war on drugs ng gobyerno.
Inihayag ni Romualdez na hindi maaaring diktahan ng Amerika ang Pilipinas subalit uubra naman itong mag panukala o magbigay ng payo sa mga kaibigan at kaalyado tulad ng Pilipinas sa ilang usapin.