Nakatakdang magsagawa ng Capacity Building and Training Exercises ang Philippine Coast Guard o PCG at counterpart nito sa Japan sa susunod ng buwan.
Ito ang inihayag ni Japanese Prime Minister Shinzu Abe matapos ang pakikipag-diyalogo kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng planong paglagda sa isang kasunduan para mapalakas ang surveillance sa mga karagatan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Abe, magtutulungan ang Pilipinas at Japan para palakasin ang seguridad sa Sulu at Celebes Seas at maging sa ibang parte ng rehiyon laban sa mga kaso ng pagdukot sa mga nasabing karagatan.
Giit pa ni Abe, kapwa maritime nations ang Japan at Pilipinas kaya mahalaga aniyang mapagbuti pa ang strategic relations ng dalawang bansa.
Bukod dito, sisikapin din ang pagkakaroon ng free and open Indo-Pacific Region kasama ang Malaysia, Vietnam at Indonesia.
Japanese Prime Minister Shinzu Abe ikinatuwa ang suporta ng mga Pilipino
Ikinatuwa ni Japanese Prime Minister Shinzu Abe ang ginawang pagsubaybay ng mga Pilipino sa kanyang Facebook account na umabot na sa 1.3 milyon ang nag-access.
Ginawa ni Abe ang pahayag, matapos nitong i-post sa kanyang FB account ang naging pagtungo niya at ng kanyang delegasyon sa mismong bahay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City.
Pagbubunyag ng Prime Minister ng Japan, 90% ng mga nag-access sa kanyang social media account ay mga Pilipino at 10% lamang ang mga Japanese.
Dahil dito, hinimok ni Abe ang kanyang mga kababayan na bigyan ng atensyon ang kanyang account.
Bunsod nito, naniniwala si Abe na isa itong matibay na halimbawa ng malalim at matatag na pagkakaibigan ng Japan at Pilipinas.