Nagkasundo na ang Pilipinas at Kuwaiti government kaugnay sa sitwasyon ng mga overseas Filipino worker at iba pang sensitibong issue.
Nagkaharap sa Davao City kagabi sina Pangulong Rodrigo Duterte, Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Kuwaiti Ambassador Saleh Ahmad Althwaikh.
Ayon sa DFA, tiniyak ni Saleh kay Pangulong Duterte na protektado ng Kuwaiti government ang kapakanan ng mga OFW sa naturang gulf state.
Sa panig naman ng gobyerno ng Pilipinas, ipagpapatuloy nito ang pagrespeto sa soberanya ng Kuwait at dignidad ng mga mamamayan nito.
Nagkasundo rin ang dalawang panig na kanilang ipagpapatuloy ang pagtutulungan at resolbahin ang ilan pang issue.
DFA, naipabatid na sa awtoridad ang ginawang pagsagip sa OFW sa Kuwait
Binigyang diin ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na ipinabatid sa mga awtoridad ng Kuwait ang ginawang pagsagip sa ilang OFW na lumabas sa social media at nag-viral ang video.
Kasunod ito ng pagpapatawag ng opisyal ng Kuwait kay Philippine Ambassador Renato Pedro Villa dahil sa paglabas ng video habang sinusundo ng mga tauhan ng rapid response team ang ilang OFW na tumatakas sa bahay ng kanilang amo.
Una rito, batay sa ulat ng state run na Kuna–News Agency, inaresto at ikinulong ng mga pulis ang dalawang Pinoy na nanghikayat umano sa mga babaeng kasambahay na tumakas mula sa kanilang mga amo.
Ayon kay Cayetano, nagpasya na ang pamahalaan na iuwi ang mga OFW dahil sa sumbong ng mga ito na inaabuso sila ng kanilang mga amo.
Una rito, sinabi ni Overseas Workers’ Welfare Administration Deputy Administrator Arnell Ignacio, na labag sa batas ng Kuwait ang ginawa ng rapid response team at hindi na dapat inilabas sa social media ang video ng pagsagip sa mga OFW.
2 Pinoy, inaresto dahil umano sa pagkumbinse sa isang Filipina housemaid na takasan ang mapang-abusong amo
Dalawang Pilipino ang inaresto ng Kuwaiti police dahil umano sa pagkumbinse sa isang Filipina housemaid na takasan ang mapang-abuso umano nitong amo.
Ayon sa Kuwaiti interior ministry, umamin ang dalawang Pinoy na hinimok nila ang housemaid na lumayas sa bahay ng naturang employer.
Gayunmnan, hindi malinaw kung anong partikular na batas ang nilabag ng dalawa.
Naganap ang insidente sa gitna ng batikos kay Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa kaugnay sa pag-rescue ng embahada sa isa pang overseas Filipina worker na inabuso ng amo.