Plantsado na ang lahat para sa presidential debate sa Linggo, February 21 sa Cagayan de Oro City.
Ayon kay Director James Jimenez, Spokesman ng Commission on Elections (COMELEC), kumpirmado na ang pagdalo ng limang (5) presidential candidates na sina Senador Grace Poe, Vice President Jejomar Binay, Secretary Mar Roxas, Mayor Rodrigo Duterte at Senador Miriam Santiago.
Sinabi ni Jimenez na maliban sa mga ibabatong tanong sa mga kandidato, bibigyan rin sila ng pagkakataong makapagtanong sa isa’t isa.
“Simple lang naman, magtatanungan lang at bibigyan sila ng pagkakataong sumagot and then during the debate itself, may pagkakataon na sila sila ay magtanungan, so hopefully makita natin doon ang talagang tagisan ng galing at talas ng isip.” Ani Jimenez.
I-eere sa iba’t ibang media platforms ang debate, ala-5:00 ng hapon hanggang ala-7:00 ng gabi.
Huling nagsagawa ng presidential debate ang COMELEC noong 1992.
Ang magaganap na debate sa Linggo ay masusundan pa sa March 20 sa Visayas at April 24 sa South o Central Luzon .
Hinimok naman ni COMELEC Chairman Andres Bautista ang publiko na huwag palampasin ang nakatakdang debate ng mga kandidato sa pagkapangulo ng bansa.
Pagmamalaki pa ni Bautista, nakabatay umano sa international best practices ang masasaksihang debate na maaaring ihalintulad sa ginagawang debate ng mga kandidato sa Estados Unidos.
Ito na ani Bautista ang tamang panahon para makilala pa ng husto ng mga botante ang mga kandidato na kanilang ihahalal pagsapit ng Mayo 9.
Kaisa ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP, mapakikinggan din ang PiliPinas Debates 2016 na sasahimpapawid sa himpilan ng DWIZ 882 mula ala-5:00 hanggang ala-7:00 ng gabi.
Duterte
Samantala, kumikilos na ang Commission on Elections upang hindi matuloy ang banta ni Mayor Rodrigo Duterte na mag-walk out sa presidential debate na nakatakda sa Linggo, February 21.
Ayon kay Director James Jimenez, susubukan nilang paliwanagan si Duterte hinggil sa magiging kalakaran ng presidential debate.
Una rito, sinabi ni Duterte na baka mag-walkout siya sa debate kapag kinontrol ang kanyang oras dahil nagdudulot sa kanya ito ng stress.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas | Jaymark Dagala