Hindi babagyuhin ang bansa sa buong buwan ng Enero ngayong taon.
Gayunpaman, ayon sa PAGASA, ay asahan naman ang epekto ng northeast monsoon o Amihan na lalakas pa sa mga susunod na araw.
Sa ngayon ay inaasahang magdadala ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan ang Amihan sa mga lugar sa Bicol Region, Aurora, at Quezon.
Makararanas din ng mahina at kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Samantala, dagdag pa ng PAGASA, oras na lumakas pa ang Amihan ay magdadala ito ng mas malamig na panahon sa mga apektadong lugar, maging pag-ulan lalo na sa silangang bahagi ng bansa.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan naman ang nararanasan sa nalalabing bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.