Hindi pa magpapatupad ng travel ban ang Pilipinas sa mga iba pang mga bansang nakapagtala na ng bagong strain ng coronavirus diasese 2019 (COVID-19) na unang nadiskubre sa United Kingdom.
Ito ang inihayag ni Interior Secretary Eduardo Año, hangga’t wala pa aniyang naitatalang community transmission ng bagong strain sa mga naturang bansa.
Ayon kay Año, bago maikukunsidera ang pag-ban sa isang bansa, kinakailangang makita na hindi na nito mismo nakokontrol ang pagkalat o pagkakaroon ng community transmission sa kanilang lugar.
Simula noong Disyembre 24, suspendido na ang lahat ng mga flights mula UK hanggang katapusan ng Disyembre pero pinalawig pa ng pamahalaan ng dalawang linggo.
Maliban sa UK, nakapagtala na rin ng kaso ng bagong coronavirus strain ang Japan, France, Ireland At Singapore.
Samantala, sinabi ni Año na hindi pa nakakapagpasiya ang pamahalaan kung magpapatupad ng panibagong lockdown sa gitna ng pagkalat ng bagong strain ng COVID-19 sa ibang bansa dahil siya mismo ay hindi sang-ayon dito.
Ani Año, dapat pagtuunan ang mahigpit na pagbabantay sa border ng bansa at pagpapatupad ng mga health protocols.