Hayagang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga world leaders na dumalo sa Second Belt and Road Forum sa Beijing na ginagawa ng Pilipinas ang lahat upang maayos na mapangasiwaan at maprotektahan ang mga marine resources na nasa loob ng teritoryo nito.
Ginawa ng pangulo ang pahayag sa kanyang naging intervention sa leaders’ roundtable meeting kung saan tinalakay dito ang usapin hinggil sa green and sustainable development na nakapaloob sa UN 2030 agenda.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang Pilipinas ay isang archipelagic state, kaya’t kailangan nito ang tulong ng bawat isa upang mapangalagaan ang angkin nitong yamang dagat.
Binigyang diin ng punong ehekutibo, na napakahalaga ng karagatan dahil nagsisilbi itong tulay para sa uganayang pangkalakalan ng bawat bansa at isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng pagkain, kaya’t dapat lamang na mapanatili itong ligtas at bukas para sa lahat na siyang isinasaad ng international law.
—–