Ready na maging leading investment hub of Asia ang Pilipinas. Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa potential investors sa ginanap na Philippine Economic Briefing (PEB) sa San Francisco, California nitong November 15, 2023.
Sa kabila ng iba’t ibang hamon na kinakaharap ng bansa, kapansin-pansin pa rin ang paglago ng ekonomiya. Matatandaang mula sa 4.3% sa second quarter ng taon, lumago sa 5.9% ang gross domestic product (GDP) ng bansa ngayong third quarter ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ayon din sa nasabing ahensya, bumaba naman ang inflation rate ng 4.9% nitong October mula sa 6.1% noong September.
Dahil sa performance na ito, itinuring ang Pilipinas bilang pinakamabilis sa mga umuusbong na ekonomiya sa Asya. Ayon nga kay Pangulong Marcos, naungusan natin ang Vietnam, Indonesia, China, at Malaysia. Kumpiyansa naman ang Pangulo na maaabot ng bansa ang target nitong mapalago ang ekonomiya nang 6% to 7% para sa taong 2023.
Bukod dito, binanggit din ni Pangulong Marcos ang pagbibigay ng administrasyon niya ng favorable business environment at commitment sa kinakailangang reporma, kabilang na ang pag-amyenda sa Public Service Act, Foreign Investments Act, Retail Trade Liberalization Act at sa Implementing Rules and Regulations ng Renewable Energy Act. Nireporma rin ang fiscal incentives structure ng bansa sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na aniya ay inaasahang magreresulta sa pagdagsa ng investments sa strategic sectors ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon kay Pangulong Marcos, sa pagreporma ng public-private partnerships (PPP) framework ng pamahalaan, mapadadali ang approval process, matitiyak ang kakayahang kumita ng PPP projects, at mabibigyan ng daan ang pagkakaroon ng quality infrastructure development. Dagdag pa niya, sinusuportahan ng mga repormang ito ang pangmalawakang infrastructure drive ng bansa.
Matatandaang ayon sa chair ng Japanese Chamber of Commerce and Industry (JCCI) na si Ken Kobayashi, naaakit ang Japanese investors na i-develop ang kanilang mga operasyon at negosyo sa Pilipinas dahil sa inaasahang increased workforce population at domestic demand nito. Dahil din sa stable at high-level economic growth ng bansa kaya naging attractive investment destination ang Pilipinas para sa Japanese businessmen.
Sa patuloy na panghihikayat at pagbubukas ng ekonomiya para sa foreign investors, makakaasang mas sisigla pa ang ekonomiya ng bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.