Handa ang Pilipinas sa “worst-case scenario” makaraang mabunyag ang peligroso umanong epekto ng anti-dengue vaccine na dengvaxia.
Ayon kay Health spokesman Eric Tayag, mayroon ng mga inilatag na hakbang ang gobyerno laban sa mga posibleng masamang epekto nang simulang gamitin ang bakuna noong isang taon.
Maingat anya ang gobyerno sa implementasyon ng anti-dengue vaccine program kaya’t ipinatupad lamang ito sa mga lugar kung saan laganap ang sakit at tanging mga batang edad siyam pataas ang binakunahan.
Nagsasagawa rin anya ang Department of Health ng follow up check-up sa mga batang binakunahan ng dengvaxia bukod sa pansamantalang pagpapatigil sa vaccination program.
Mahigit pitundaan tatlumpung libong bata na karamiha’y elementary students ang binakunahan simula noong isang taon.
Magugunitang inamin ng anti-dengue manufacturer at French pharmaceutical giant na Sanofi na maaaring magdulot ng mas matinding sintomas ang dengvaxia sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.
French pharmaceutical giant na Sanofi, pananagutin sakaling mapatunayang may nadisgrasya sa naturang anti-dengue vaccine
Samantala, tiyak na mananagot ang French pharmaceutical giant na Sanofi sakaling mapatunayang may na-disgrasya o namatay sa kanilang nilikhang anti-dengue vaccine na dengvaxia.
Ayon kay Dr. Leo Olarte, dating pangulo ng philippine medical association, “medical malpractice” at “negligence” ang mga reklamong maaaring kaharapin ng sanofi dahil sa hindi agad pagsasabi ng magiging epekto ng bakuna.
Kapag nagkaroon ng impeksyon sa dengue, may posibilidad na mas maging malala ito. May pananagutan dito ang Sanofi dahil sila ang manufacturers, legally speaking kung mayroon man na madisgrasyng bata rito dahil sa bakuna ng Sanofi.
Hindi rin anya ligtas ang mga dating opisyal ng gobyerno partikular ng Department of Health sa mga maaaring kaharapin na kaso o reklamo.
Pero bago magsisihan ay ipinunto ni Olarte na dapat munang tutukan ang mahigit pitundaang libong batang binakunahan ng dengvaxia upang hindi na lumala ang nagbabadyang problema.
Kung mapatunayan na nagpabaya ‘yung mga dating opisyal ng DOH, magkakaroon sila ng liability. Kung mapatunayan naman na hindi sila nagpabaya, ang may pananagutan dito ay ang Sanofi.