Handa na ang Pilipinas sa “water war” sa West Philippine Sea sa gitna ng planong “white to white diplomacy” sa pinag-aagawang karagatan.
Ayon kay Philippine Coast Guard Vice Admiral Oscar Endona Junior, muling susuplayan ang mga miyembro ng marines, partikular ang crew ng BRP Sierra Madre, na naka-deploy sa Ayungin Shoal.
Ito, anya, ay upang maiwasan na ang pambobomba ng tubig ng mga Chinese vessel sa mga Pinoy na maghahatid ng supply.
Nilinaw ni Endona na hindi na Civilian Vessel ang gagamitin para sa paghahatid ng supply sa mga tropa ng Marines sa Ayungin, kundi mga barko na ng PCG.
Armado rin ang mga barko ng coast guard ng water cannon kaya’t maaari silang gumanti ng tubig sakaling magtangka muli ang mga Tsino na harangin ang mga Pinoy.