Handang makipagpulong ang pamahalaan sa International Criminal Court at talakayin ang ilang bagay kaugnay sa imbestigasyon nito sa madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon ito kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na sinabing gaganapin ang pag-uusap sa lalong madaling panahon.
Mayroon aniyang mga partikular na bagay sa usapin na maaring mapagtulungan ng ICC at Department of Justice gayunman, dapat malinaw pa rin ang kanilang limitasyon.
Sinabi ng Kalihim na pinahihintulutan pa rin ang pakikipag-ugnayan ng pilipinas sa international tribunal sa ilalim ng batas, at sinabing labas-masok na ang miyembro ng ICC sa bansa ngunit hindi naman nagkakaroon ng isyu.
Iginiit pa ni Secretary Remulla na bagama’t palaisipan pa rin ang muling pagsali ng Pilipinas sa ICC, bukas ang administrasyon para malaman ang mga limitasyon ng hindi pagiging bahagi nito at lawak ng krimen bago ang pagkalas dito ng liderato ni dating Pangulong Duterte.
Ipinunto pa ng Justice official na sa kabila ng pagkakaroon ng sariling imbestigasyon ng Philippine authorities, malaki ang maitutulong ng ICC para sa magiging takbo ng nasabing imbestigasyon. – Sa panulat ni Laica Cuevas