Tiniyak ng Inter-Agency Task Force (IATF) na handa ang Pilipinas na makilahok sa anumang clinical trials na may kaugnayan sa mga potensiyal na bakunang madidiskubre para labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay IATF spokesperson Karlo Nograles, handa ang bansa para sa partisipasyon ng pagsasaliksik ng bakunang Avigan bilang antidote sa COVID-19.
Ani Nograles, natalakay ang nasabing gamot sa ginanap na ASEAN Plus Three Summit na nilahukan ni Pangulong Duterte.
Nasa 50 bansa umano ang interesadong sumali sa pagsasalisik sa posibleng magagawa ng Avigan sa kumakalat na sakit ngayon.
Maliban dito, tinalakay din sa ASEAN Summit ang tungkol sa pagpapalakas ng public health cooperation measures, proteksyon ng mga health worker at iba pang frontline personnel at pagtitiyak sa sapat na suplay ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain at medical supplies.