Inaasahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pakikipagtulungan ng Vietnam sa electric vehicle (EV) industry ng Pilipinas. Alinsunod ito sa target na 10% e-vehicles sa road transport ng bansa pagsapit ng 2040.
Sa isang pagpupulong kasama si Prime Minister Pham Minh Chinh sa kanyang two-day state visit sa Vietnam, sinabi ni Pangulong Marcos na makakatipid ng 5% sa langis at kuryente ang paggamit ng bansa sa mga de-kuryenteng sasakyan.
Ayon kay Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Vietnam at Pilipinas, kasama ang pagpapatupad ng Comprehensive Roadmap at Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), lalago ang EV industry.
Nagsisilbi ang EVIDA o Republic Act No. 11697 bilang solusyon ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Bukod sa paglikha ng regulatory framework at comprehensive roadmap, pangangasiwaan nito ang manufacturing, assembly, importation, construction, installation, maintenance, trade and utilization, research and development, at regulasyon ng e-vehicles bilang tugon sa nauubos na fossil fuels.
Inaasahan ding maraming high-tech investments ang mahihikayat ng EVIDA upang mapanatili at masuportahan ang EV industry ng bansa.
Kaugnay nito, malugod na tinanggap ni Pangulong Marcos ang alok ng VinGroup Company ng Vietnam na mag-invest sa Pilipinas, partikular na sa e-vehicle battery production. Ang VinGroup Company ay isang multi-sector corporation na nakatuon sa technology and industry, trade and services, at social enterprises.
Ayon kay Pangulong Marcos, napapanahon ang offer na ito dahil kasalukuyang ipinapatupad ng bansa ang modernisasyon sa public transportation.
Para sa Pangulo, long term ang proseso ng transition ng Pilipinas sa e-vehicles na kinakailangan ng matinding suporta mula sa public at private sectors. Aniya, handa ang Pilipinas na matuto at makipagtulungan sa Vietnam para sa inisyatibang ito.