Wala pang nakabinbing order na COVID-19 vaccines mula sa mga vaccine manufacturer ang Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng panawagan ng mga senador na ipatigil pansamantala ang pagbili ng bakuna dahil sa oversupply.
Paliwanag ni Vergeire, kasalukuyan pa rin kasing pinag-aaralan ng pamahalaan ang imbentaryo ng bakuna para alamin ang pangangailangan ng bansa.
Kailangan din muna nila aniyang rebyuhin ang supply at demand ng mga bakuna.
Nabatid na nakatakdang ma-expire sa susunod na tatlong buwan ang nasa 27 milyong doses ng COVID-19 vaccine sa bansa sakaling hindi pa ito magamit.
Samantala, paglilinaw pa ni Vergeire na ang mga bakunang darating sa bansa sa susunod na linggo ay donasyon ng ibang bansa at hindi binili ng pamahalaan.—sa panulat ni Abie Aliño-Angeles