Tiniyak ng China na hindi saklaw ang Pilipinas sa bagong batas na nagbibigay basbas sa Chinese Coast Guard na paputukan ang mga dayuhang barko sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito’y ayon kay Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana makaraang umalma ang Pilipinas sa mapangahas na batas na ipinatutupad ng China.
Magugunitang naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China sa pamamagitan ng isang note verbal na tumutuligsa sa panibagong batas na ito ng mga Tsino.
Sa ilalim kasi ng nasabing batas, nakasaad na maaaring paputukan ng Chinese Coast Guard ang mga barkong magpupumilit dumaan sa mga pinagtatalunang teritoryo ng walang abiso.