Higit pang pinag-iingat ng World Health Organization ang Pilipinas matapos ideklara ng gobyerno na maituturing na low risk area na para sa COVID-19 ang bansa.
Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, hindi pa dapat maging kampante dahil nananatili pa rin ang banta ng COVID-19
Ani Abeyasinghe, dapat ay maging consistent pa rin ang gobyerno sa paalala sa publiko na manatiling maging maingat at sumunod pa rin sa mga ipinatutupad na health protocols dahil sa patuloy na banta ng nakakahawang sakit.
Ang pagsasabi kasi umano na low risk na ang bansa sa COVID-19 ay posibleng maghatid ng hindi magandang impresyon sa publiko kung saan sila ay magpabaya na o hindi na sumunod sa mga ipinatutupad na minimum health standards.
Una rito, sinabi ni DOH Epdemioliogy Bureau Director Alethea De Guzman, na nasa low risk na ang risk classification ng bansa sa COVID-19 matapos maitala ang -9% na growth rate ng virus sa bansa sa loob ng dalawang linggo, habang ang attack rate naman mula Hunyo 13 hanggang 26 ay nasa 5.42 na lamang.