Nasa ika-13 pwesto na ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang may pinakamalaking populasyon sa buong mundo at pang-pito naman sa Asia-Pacific Region.
Ayon sa Commission on Population and Development, inaasahang papalo sa 115 million ang populasyon ng bansa sa pagtatapos ng taong 2023.
Sinabi ni POPCOM Officer in Charge Lolito Tacardon, batay sa pinakahuling census noong 2020, umabot na sa mahigit 109 million ang populasyon ng bansa, na may 1.6 percent annual population growth.
Mayorya aniya ng mga Pinoy ay ikinukinsiderang bahagi ng working population, kung saan kabilang dito ang mga nasa edad 15 hanggang 64.
Bukod dito, sinabi pa ng POPCOM official na malaki ang tiyansa na bumilis ang economic development ng Pilipinas dahil bumaba ang bilang ng mga Pinoy na kabilang sa ‘dependent ages’ o mga edad 14 pababa, sa mga nakalipas na taon.
Sa kabila nito, naobserbahan naman ng POPCOM ang pagtaas ng bilang ng teenage pregnancy sa bansa, partikular sa mga labing apat na taong gulang pababa.
Kabilang sa factors na tinitignan ng komisyon ang kakulangan sa impormasyon ng mga kabataan at ang posibleng pagtaas ng statutory rape cases.