Kinumpirma ng World Health Organization na kabilang ang Pilipinas sa 10 bansang may pinakamataas na bilang ng mga batang hindi bakunado laban sa mga karaniwang sakit.
Ito, ayon kay Dr. Robert kezaala, medical officer ng Vaccine Preventable Diseases and Immunization ng WHO – Philippines, ang dahilan kaya’t puspusan ang kanilang pakikipagtulungan sa Pilipinas na tiyaking 80% hanggang 90% ng mga bata ay vaccinated.
Batay sa UNICEF report noong Hulyo, nasa 25M bata sa mundo ang hindi nakapagpabakuna kontra diphtheria, tetanus at pertussis noong 2021.
Kabilang anya sa mga dahilan ang pagdami ng mga batang naninirahan sa conflict zones kung saan malaking hamon ang immunization, pagdami ng misinformation at COVID-19 related issues.
Malaking bahagi o 18 mula sa 25M ng mga batang hindi naturukan kahit isang dose ng Diptheria Vaccine, ay naninirahan sa mga low at middle-income countries, gaya ng India, Nigeria, Indonesia, Ethiopia at Pilipinas.
Nagtakda naman ang DOH ng target na 95% para sa fully-immunized children pero umaabot pa lamang ito sa 34%.
Ilan sa mga itinuturong dahilan ng mababang immunization rate ang COVID-19 pandemic at mobility restrictions.
Pero dahil nagluwag na ng restriksyon sa bansa, muling hinimok ng DOH ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maiwasan ang mga karaniwang sakit.