Nananatiling nasa ika-7 puwesto ang Pilipinas sa mga bansang mabagal sa pagkilos sa pagpapanagot sa mga pumatay sa mga journalist.
Batay ito sa 2022 Global Impunity Index ng Committee to Protect Journalists (CPJ), isang non-profit organization na sumusuporta sa press freedom at naka base sa New York.
Ipinabatid ng CPJ na mayroon pang 14 na kaso nang pagpaslang sa mga mamamahayag ang hindi pa nareresolba sa Pilipinas kaya’t marami anito ang nag-aalalang magpatuloy ng kultura ng karahasan at impunity sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon kasunod na rin nang pagpatay kina Percy Lapid at Renato Blanco.
Nangunguna pa rin sa ranking ng worst countries sa pagpapanagot sa mga journalists killers ang Somalia, ikalawa ang Syria, ikatlo ang South Sudan, ika-4 ang Afghanistan, ika-5 ang Iraq, ika-6 ang Mexico.
Pasok din sa listahan ang Myanmar, Brazil, Pakistan at India.
Ayon pa sa 2022 Index ng CPJ, wala pang napapanagot sa halos 80% ng 263 media killings sa nakalipas na 10 taon samantalang hindi naman ganoon ka interesado ang mga gobyerno para resolbahin ang mga kaso nang pagpaslang sa mga journalist.