Idineklara ng House Committee on Housing and Urban Development ang pagkakaroon ng housing crisis sa bansa.
Kasunod na rin ito nang pag-apruba ng komite sa isang substitute resolution na nagdedeklara ng housing crisis matapos lumobo sa 67 milyong bahay pa ang kailangan hanggang sa susunod na taon.
Binigyang diin ni Committee Chair Francisco Benitez na ipinasa nila ang resolusyon para mahimok ang housing agencies na mag streamline at padaliin ang housing production.
Kabilang aniya sa malaking hamong kinakaharap ng sektor ng pabahay ang inefficiencies at red tape sa pamahalaan kung saan bago makapagtayo ng socialized housing ay kakailanganin pang dumaan sa 27 tanggapan, 78 permits, 146 na lagda at halos 400 dokumento kaya’t tumatagal ng apat na taon bago masimulan ang isang proyekto.
Kasabay nito, ipinabatid ni Committee Vice Chair Florida Robes na itinuturing na factors sa pagdami ng informal settlers ang paglago ng populasyon, urban rural migration at mataas na presyo ng urban land sa kabila ng maraming batas para sa housing production.