Mag-a-angkat ng karagdagang sugar supply ang Pilipinas.
Ito’y sa kabila nang iginigiit ng mga producer na sapat ang local supply bukod pa sa naunang 150,000 metric tons ng imported na asukal na nagsimulang dumating nitong Nobyembre.
Sa katunayan ay pinabibilisan na ni pangulong Bongbong Marcos, na kalihim ng Department of Agriculture, ang pag-import ng dagdag 64,050 metric tons ng refined sugar upang mapatatag ang presyo nito sa merkado.
Alinsunod sa DA Memorandum Order 77, na nilagdaan noong December 20 ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, inatasan si minimum access volume o mav Secretariat Officer-in-Charge at Exec. Dir. Jocelyn Salvador na agarang i-convene ang mav advisory council.
Ang mav ay tumutukoy sa dami ng isang partikular na agricultural product na maaaring angkatin sa mas mababang taripa.
Nakasaad din sa kautusan na labis na nangangamba ang pangulo sa mataas na inflation rate.
Batay sa datos ng kagawaran noong Nobyembre, ang taunang pagtaas ng inflation para sa mga sugar, confectionery at dessert products ay umabot sa 38%.