Inaasahan na ang pagkakaroon ng tinatawag na “national branding” ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Presidential Communication Operations Office Secretary Martin Andanar matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala hinggil sa pagkakaroon ng sariling trademark ng bansa.
Ayon kay Andanar pwede nang makibagsabayan ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa Asya na may national branding na.
Halimbawa na lamang aniya dito ay ang “Malaysia Truly Asia”, “Austalia Unlimited” at “This time for Africa”.
Sinabi ni Andanar na pagtutulungan ng lahat ng gabinete ang pinakalamalaking proyektong ito para makabuo ng isang angkop na magiging tatak ng bansa.
Matatandaang nagpalabas noon ang Department of Tourism ng slogan ng Pilipinas para sa turismo ang “Wow Philippines” at ang pinaka huli ay ang “It’s More Fun in the Philippines”.
Gayunman, nilinaw ni Andanar na sa pagkakataong ito ay hindi lamang turismo ang ibibida sa bubuuing tatak ng Pilipinas kundi maging pati sa larangan ng kalakalan, edukasyon at kultura.