Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapadala ng tulong ang Pilipinas sa Turkey matapos itong yanigin ng magnitude 7.8 na lindol.
Sa panayam ng media sa kanyang pagdalo sa National Tax Campaign Kickoff ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sinabi ng pangulo na isang grupo na may 85 personnel ang binuo para pangunahan ang paghahatid ng tulong sa Turkey.
Kabilang sa mga ihahatid ay ang mga kumot at winter clothing para sa mga apektado ng lindol.
Magpapadala rin aniya ang Pilipinas ng mga engineer at health workers para umagapay sa mga biktima.
Ayon sa pangulo, kumikilos na ang Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para pangunahan ang search and rescue contingent ng bansa na sasamahan nga ng mga personnel mula sa Department of Health (DOH), Philippine Army, Philippine Air Force, at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Samantala, nagbigay na rin aniya ng katiyakan ang Turkish Airlines na ihahatid nito ang mga equipment at grupo ng mga Pinoy na magtutungo sa naturang bansa.