Natuto na ng leksyon ang Pilipinas sa naranasang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sanhi ng bagong variant kung kaya’t mas may kakayahan na itong harapin ang panibagong variant.
Ito ang inihayag ng Department of Health sa kabila ng banta ng panibagong variant na B.1.1.318 at I.4.2 na na-detect sa bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ilan sa mga leksyon ng mga nakaraang covid surge sanhi ng Alpha, Beta at Delta variants ay ang kahalagahan ng One Hospital Command Center na nangangasiwa sa Covid-19 patient referral at localized lockdowns.
Kabilang din aniya sa mga natutunan ang pagtutok sa mga lugar na may mataas na kaso ng Covid-19 sa halip na magpatupad ng malawakang lockdown.
Iginiit ni Vergeire na walang sinuman ang magiging handa sa panibagong variant pero maaaring ayusin ang sistema upang matulungan ang mga bansa na mapangasiwaan nang maayos sakaling magkaroon muli ng Covid-19 surge. —sa panulat ni Drew Nacino