Naniniwala si Dr. Guido David ng OCTA Research Group na mas malala na ang sitwasyon ng Pilipinas sa India at Indonesia pagdating sa COVID-19 cases.
Ito ang reaksyon ni David sa pasya ng gobyerno na tanggalin na ang travel ban sa India, Indonesia, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, Thailand at Malaysia simula ngayong araw.
Aminado si David na walang problema kung bubuksan na ang Pilipinas sa ibang bansa na dating nasa travel ban.
Gayunman, ang tanong lamang anya ay kung pupunta ang mga mamamayan ng mga nasabing lugar sa Pilipinas lalo’t isa ang ating bansa sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa Asya sa ngayon.
Iginiit ni David na hindi dapat luwagan ng pamahalaan ang pagbabantay sa ating borders at pagpasok ng mga biyahero mula sa ibang bansa upang maiwasang malusutan ng mga pasaherong may COVID-19.
Batay sa datos ng WHO, sa ngayon ay aabot na lamang sa 40,000 ang daily COVID cases sa India kumpara sa 200,000 noong Hunyo habang ang Indonesia ay mayroong average 7,000 daily cases mula sa dating 56,000 noong Hulyo. —sa panulat ni Drew Nacino