Walang naitatalang panibagong mga kaso ng hinihinalang bird flu infection ang Department of Health kahit natapos na ang culling period ng mga poultry product sa mga lugar na naapektuhan ng avian influenza outbreak.
Ayon kay Health secretary Paulyn Ubial, masasabi ng bird flu-free ang bansa hangga’t walang lumalabas na bagong kaso.
Agosto 24 nang magtapos ang culling o pagpatay ng Department of Agriculture sa mga poultry product at iba pang ibon.
Isinailalim din sa surveillance ng DOH ang lahat ng taong nagsagawa ng culling process upang mabatid kung magpapakita ng mga sintomas ng avian influenza virus ang mga ito.
Ang lahat ng nagpakita ng hinihinalang sintomas ay binigyan ng prophylaxis habang ang mga specimen ng mga pinaniniwalaang kaso ng bird flu virus ay ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine sa Alabang, Muntinlupa City upang suriin.
Gayunman, negatibo sa virus ang lahat ng tatlumpu’t siyam na hinihinalang kaso ng naturang sakit sa tao.