Sa gitna ng kaliwa’t kanang krisis sa mundo, nakita ang pinakamaraming “stressed” na manggagawa’t empleyado sa Pilipinas kumpara sa iba pang bansa sa Southeast Asia.
Ito ang lumalabas sa “State of the Global Workplace: 2022 Report” ng Gallup, isang global analytics at advice firm, kung saan 50% ng 1,000 respondents na Pilipinong nagtratrabaho ang nakaramdam ng stress isang araw bago ang interview.
Pumangalawa naman ang Thailand, 41%; Cambodia, 38%; Myanmar, 37%; Vietnam, 35%; Singapore, 34%, Laos, 32%; Malaysia, 27% at Indonesia, 20%.
Alinsunod sa labor code, karaniwang 40 oras kada linggo ang trabaho ng isang normal na empleyado habang nakatali sa hanggang 570 pesos per day ang minimum wage sa Metro Manila, na pinakamataas sa buong Pilipinas.
Ilan sa mga batayan ng mataas na stress level ang hindi patas na trato sa trabaho, na pinakamalaking source ng burnout, na sinusundan ng dumaraming workload, malabong komunikasyon sa manager, kawalan ng manager support at hindi makatarungang time preasure.
Dahil din sa baba ng sahod at taas ng inflation rate, na pinakamataas ngayon simula noong November 2018, nadagdagan umano ang stress ng mga Pinoy, kaya’t mayroong mga naghahanap pa ng dagdag-trabaho.
Pinayuhan naman ng gallup ang mga manggagawa na bukod sa trabaho, maghanap ng maayos na boss lalo’t ang limang sanhi ng work stress ay madalas nagmumula sa mahinang leader sa trabaho.