Ipinarating ng pamahalaan ng Pilipinas ang taos-puso nitong pakikiramay at pakikisimpatya sa mga bansang Afghanistan at Pakistan matapos yanigin ng 7.5 magnitude na lindol nitong Lunes.
Sa statement na inisyu ng Department of Foreign Affairs o DFA, isinaad nito na nakikiisa ang bansa at ang sambayanang Pilipino sa sakit at pighating idinulot ng lindol sa mga apektadong bansa.
Nakasaad din sa statement ng Pilipinas ang panalangin nito sa mga biktima ng pagyanig.
Nawa’y agad anilang makabangon ang mga komunidad na naapektuhan ng sakuna.
Samantala, sa kasalukuyan ay pumalo na sa halos 400 ang naitatalang nasawi sa lindol habang marami ang nasugatan at napinsalang ari-arian ayon sa mga otoridad.
Inaasahan at pinangangambahan din nila ang paglobo pa ng casualties kasunod ng tuloy-tuloy na rescue operations.
Kasunod kasi ng pagyanig ay sinasabing naganap din ang landslide at stampede.
By Allan Francisco