Nagpahayag ng pagkabahala ang Pilipinas sa Live Ammunition Drills na isinasagawa ng People’s Liberation Army ng China malapit sa Taiwan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang nasabing aktibidad ng Tsina ay maaaring maging mitsa ng mas malaking gulo, lalo’t napakalapit ng Taiwan sa Pilipinas.
Binigyang-diin ng DFA na dapat huminahon ang magkabilang-panig, manaig ang diplomasya at ipagpatuloy ang dayalogo upang maiwasan ang sigalot.
Bukod sa paligid ng Taiwan, ang biglaang military exercises na inaasahang tatagal hanggang linggo ay maaari ring isagawa malapit sa karagatan ng Batanes, na nasa pinaka-dulong hilaga ng Pilipinas.
Samantala, inabisuhan na ng China ang lahat ng airlines at mga barko na iwasang dumaan sa paligid ng Taiwan sa susunod na tatlong araw dahil sa posibleng peligrong dulot ng military exercises.