Na-detect ng Department of Health (DOH) ang unang kumpirmadong mga kaso ng OMICRON XBB Subvariant at XBC Variant sa Pilipinas.
Ang XBB ay recombinant ng BA.2.10.1 Sublineage at BA.2.75 Sublineage habang ang XBC naman ay recombinant ng delta at BA.2 variants.
Ayon kay DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire naitala ang 81 kaso ng OMICRON XBB sub-variant ng COVID-19 sa 2 rehiyon.
Sa nasabing bilang, 70 rito ay agarang nakarekober, 8 ang nasa isolation at 3 pa ang bineberipika.
193 kaso naman ng XBC ang naiulat sa labing isang rehiyon kung saan 176 dito ang nakarekober, 3 ang nasa isolation, lima ang namatay, habang 9 ang inaalam pa.
Posible anilang ang mga nanggaling sa Singapore ang siyang nagdala ng naturang bagong variant ng virus sa bansa.
Samantala, sinabi ni Vergeire na ang mga sintomas ng bagong subvariant ng COVID-19 ay halos walang pinagkaiba sa naunang variant.
Maituturing pa rin aniya na nasa low risk classification ang hospitalization rate ng bansa. -sa ulat ni Aya Yupangco (Patrol 5) .