Nasungkit ng Pilipinas ang kauna-unahang medalyang ginto sa nagpapatuloy ng 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Nakuha ng Olympian na si Hidilyn Diaz ang unang ginto ng bansa sa Women’s 53 kilogram weightlifting event.
Pinangunahan ng Rio Olympics silver medalist ang hanay ng mga kababaihang kasali sa nasabing sporting event na ginanap sa Jakarta International Expo Hall A.
Una nang inamin ni Diaz na matindi ang pressure sa kaniyang hanay dahil makakaharap niya ang pambato ng Thailand na si Sopita Tanasan na nanalo ng gintong medalya sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Samantala, nahablot naman ni Pauline Lopez ang ika-apat na bronze medal ng Pilipinas matapos manalo kontra Chinese player sa Taekwondo Women’s 57 kilogram Kyorugi.
Kasabay nito ay pinapurihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Filipina Olympian na si Hidilyn Diaz.
Sa kanyang talumpati sa League of Municipalities of the Philippines sa Visayas Island Cluster Conference sa Cebu City, inianunsyo ni Pangulong Duterte ang pagkaka-panalo ng Pilipinas ng una nitong ginto sa naturang torneyo.
Tangi anyang mensahe ng Pangulo ay “wow” kay Hidilyn na isa sa mga sundalo ng Philippine Army at silver medalist sa 2016 Rio Olympics sa Brazil.
Naungusan ni Hidilyn sina Kristina Sermetowa ng Turkmenistan na sumikwat ng silver at Surodchana Khambao ng Thailand na umani ng bronze.
Mga mananalo ng gintong medalya tatanggap ng 6 million pesos
Samantala, tatanggap ng kabuuang anim na milyong piso ang sinumang atletang Filipinong mananalo ng gintong medalya sa 2018 Asian Games sa Indonesia.
Kabilang sa mga makatatanggap ng premyo ang Rio Olympic medalist at weightlifter na si Hidilyn Diaz.
Sa naturang cash prize, 2 million pesos ay mula sa Philippine Olympic Committee, 2 million sa Philippine Sports Commission, 1 million mula sa Siklab Pilipinas Sports Foundation at 1 million pesos mula kay Philippine Ambassador to Indonesia Lee Hiong Wee.
Samantala, 2.5 million pesos naman ang matatanggap ng mga silver medalist at 1.2 million pesos para sa mga bronze medalist.
Sa kasalukuyan ay nasa ika-labing-apat na puwesto ang Pilipinas sa medal tally hawak ang isang gold at apat na bronze o umabot na sa limang medalya.—Drew Nacino
—-