Nakikipag-usap na ang Pilipinas sa mga Indian pharmaceutical company para sa produksyon ng mura at abot-kayang gamot.
Sa pulong ni Trade Secretary Ramon Lopez sa mga leader ng Indian Pharmaceutical Export Council, kanilang tinalakay kung paano palalaguin ang trade and investment sa pagitan ng Pilipinas at India sa pharmaceutical industry.
Ayon kay Lopez, nais nilang tumutok sa mga pangunahing gamot na kakailanganin lalo na ng mga mahirap tulad ng mga anti-hypertensive, anti-cholesterol at anti-cancer drugs.
Bagaman nag-iimport na aniya ang Pilipinas ng gamot mula India, nais ng gobyerno na pasukin ng mga Indian pharmaceutical company ang manufacturing industry.
Una dito, isang ‘investment facilitation agreement’ ang nilagdaan ng Pilipinas at India matapos ang bilateral meeting sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Indian Prime Minister Narendra Modi.
Bago umano magpulong sina Pangulong Duterte at Modi ay nakipagpulong na ang Indian leader kina Vietnamese Prime Minister Nguyen Xuan Phuc at Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi.