Wala pang napaulat na pinoy na namatay bunsod ng matinding pag – ulan at pagbaha na nararanasan ngayon sa Western Japan.
Kinumpirma ito ng konsulado ng Pilipinas sa Osaka sa gitna ng kanilang patuloy na pagmomonitor sa sitwasyon ng mga Pinoy na naninirahan sa lugar.
Nagpahatid naman ng pakikiramay ang Pilipinas sa Japan na tinamaan ng matinding kalamidad kung saan nasa halos isandaang katao na ang napaulat na nasawi.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, nakahanda ang Pilipinas na magpaabot ng tulong sa mga biktima ng bagyo.
Pinayuhan naman ni Consul General Aileen Bugarin ang mga Filipino na nasa mga apektadong lugar, na makinig sa mga abiso ng mga otoridad sa mga posibleng landslides at flashfloods.