Ibinabala ng Department Of Health ang posibleng paghina ng health care system ng bansa sa Enero 2021.
Ito’y sa gitna ng pangamba ng pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa matapos ang holiday season.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, karaniwan nang mahina ang kapasidad ng mga health facility ng bansa tuwing unang buwan ng taon.
Paliwanag ni Vergeire, tuwing Enero kasi ang transition phase sa mga training hospital kung saan pinapalitan ng mga bagong staff ang mga senior residents.
Ilan kasi sa mga tauhan ay end of contract na o naghihintay pa ng renewal ng kanilang job order.
Kasabay nito, tuwing unang buwan din ng taon maraming pasyenteng nagtutungo sa pagamutan dahil sa kanilang hypertension at diabetes dahil sa pagiging aktibo sa mga salo-salo.