Nanganganib na malagay sa blacklist ng Financial Action Task Force o FATF ang Pilipinas kung mabibigo ang kongreso na amyendahan ang Anti-Money Laundering Law.
Kasunod ito ng nabunyag na 100 milyong dolar o P5 bilyong piso ng hinihinalang ‘dirty money’ ang nalinis sa pamamagitan ng casino at bangko sa Pilipinas.
Ayon kay Senador Sergio Osmeña, kung sakali, tatlong beses na nilang inamyendahan ang Anti-Money Laundering Law mula nang ipasa ito noong 2001, subalit sa hindi malamang dahilan ay hindi naisasama sa masasakop ng batas ang mga casino.
Sakaling masama sa blacklist ng FATF ang Pilipinas, siguradong tatamaan ang mga negosyante at traders dahil siguradong magiging mahal ang transaksyon sa mga bangko.
“America, Canada, Australia, England, Japan, Turkey etc, sabi nila casinos are included in all these jurisdictions, at tataas yung banking fees ninyo sapagkat dapat lahat ng international transactions dumadaan yan sa New York sa clearing house sa New York, that’s the international clearing house, so sasabihin nila sorry ha kapag galing sa Pilipinas, huwag na kayong magpadala ng pera dito sa bangko namin, we don’t wanna do business with you because you’re too expensive.” Pahayag ni Osmeña.
By Len Aguirre | Karambola