Ibinabala ni Brother Eddie Villanueva ng Jesus is Lord ang mga trahedya na puwedeng harapin ng Pilipinas kung magpapatuloy ang Pangulong Rodrigo Duterte sa pangungutya sa Panginoong Diyos.
Ayon kay Villanueva, kapag nilalapastangan ang Panginoon ay para na ring isinumpa ang buong bansa.
Nasasaad aniya sa Bibliya na matinding galit ng Diyos ang naghihintay sa mga bansang punong-puno ng blasphemies o paglapastangan sa pangalan ng Diyos, pagpatay, adulteries, imoralidad at iba pa.
Dahil dito, hindi aniya malayong bumisita sa ating bansa ang iba’t ibang klase ng sumpa, mga kalamidad at iba pa na magdadala ng matinding dusa sa ating bansa.
Gayunman, sinabi ni Villanueva na naaawa siya kay Pangulong Duterte dahil naasaad sa Bibliya na sinuman ang nananatiling matigas sa kabila ng napakaraming pagpuna sa kanyang kamalian ay bigla na lamang mawawasak hanggang sa puntong hindi na ito puwedeng sagipin o ayusin pa.
Binigyang diin ni Villanueva na nangangailangan ng matinding counselling sa ngayon ang Pangulo at matinding dasal para siya ay sagipin.
—-