Nanganganib bumalik sa “stone age” ang Pilipinas sa oras na ipatupad ang “total ban” sa mining.
Ito ang ibinabala ni Finance Secretary Carlos Dominguez bago humarap sa pagdinig ng Commission on Appointments hinggil sa mga kwestyong bumabalot sa pagpapasara ni Environment Secretary Gina Lopez sa mahigit dalawampung minahan.
Ayon kay Dominguez, tiyak na malaki ang mawawalang kita sa Pilipinas sa oras na ipasara ang mga minahan na maaaring maging resulta ng pagbagsak ng mining industry sa bansa.
Hindi anya sumagi sa kanyang isip ang mga aktibidad ng tao nang walang gamit na mga metal para sa iron at steel production, mga baterya para sa cellphone at kotse at iba pa.
Bagaman masasabing maliit o .7 hanggang .8 percent lamang ang ambag ng mining sector sa Gross National Product na katumbas ng 20 hanggang 30 Billion Pesos kada taon, malaking tulong pa rin ito upang mapunan ang pondo ng gobyerno na ginagamit para sa iba’t ibang proyekto.
By: Drew Nacino