Inihayag ni Health Sec. Francisco duque III na nasa high risk na sa covid-19 ang Pilipinas dahil sa pagtaas ng mga kaso.
Sa talk to the people kagabi, sinabi ng kalihim na nasa 448% ang 2-week growth rate ng covid-19 cases sa bansa habang nasa 1.66 naman ang average daily attack rate o adar.
Aniya, mula December 29, 2021 hanggang nitong January 4 ay nakapagtala ang Pilipinas ng 3,313 na daily average covid infections kung saan mas mataas aniya ito ng 849% kumpara sa 349 average daily cases na naitala mula December 22 hanggang 28.
Ayon pa sa kalihim, halos pitumpung porsyento ng mga kaso ay mula sa NCR.
Dahil dito, inilagay sa critical risk classification ang rehiyon matapos na makapagtala ng 1,475 percent na 2-week growth rate at adar na 8.79.
Tumaas din ang bed utilization rate hanggang nitong January 3 at maging ang intensive care unit utilization rate na ngayon ay nasa 26% na.
Gayunman, sinabi ni Duque na nananatiling mababa ang bilang ng covid related deaths sa bansa na patunay umano na epektibo ang vaccination program ng pamahalaan.