Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na nasa low risk na ng COVID-19 ang Pilipinas.
Ayon kay Duque, bumubuti na ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa kung saan, nasa ‘low risk level’ narin ang total bed utilization at Intensive Care Unit (ICU) sa mga ospital sa Metro Manila at iba pang lalawigan.
Sa kabila nito, iginiit ni Duque na hindi parin maaaring ibaba sa pinakamaluwag na Alert level 1 ang bansa dahil kailangan pa nito ng mas mahaba pang panahon at dapat na magpatuloy pa ang bumababang bilang ng mga tinatamaan ng nakakahawang sakit.
Samantala, sa naging pahayag naman ni Infectious Disease Expert na si Dr. Rontgene Solante, sinabi niyang mas mainam kung mananatili sa Alert level 2 ang bansa dahil masyado pang maaga para magpatupad ng mas maluwag na restriksiyon.
Sa ngayon, target ng gobyerno na mabakunahan ang 90M Pilipino bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. —sa panulat ni Angelica Doctolero