Magsisilbing observer lamang ang Pilipinas sa paglilitis ng kaso ng mag-asawang suspect sa pagpatay kay Joanna Demafelis sa Kuwait.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, maaaring magpadala ng kinatawan ang pamahalaan sa sandaling simulan na ang pagdinig.
Sa ngayon aniya ay patuloy ang pagtatagni-tagni ng awtoridad sa kuwento ng pag-aabroad ni Demafelis mula sa nag-recruit sa kanya hanggang sa kanyang orihinal na amo.
“Maliban lang siguro kung gusto ng pamilya ni Joanna na mag-witness sila, subaybayan nila ang paglilitis ay puwede tayong magpadala ng representative to observe the proceedings, puwede po, pero as to the trial process ay hanggang observers lang tayo.” Pahayag ni Bello
Matatandaang naihain na sa korte sa Kuwait ang kasong homicide laban sa mag-asawang amo ni Demafelis.
Ayon kay Atty. Raul Dado, Executive Director ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers ng DFA, malakas ang kaso laban kina Mona Hassoun at Nader Essam Assaf.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Interpol ang mag-asawang suspek.
(Ratsada Balita Interview)