Pangungunahan ng Pilipinas ang paglaban sa mga pirata sa karagatan at mga armadong pagnanakaw sa mga saksakayang pandagat sa Asya.
Ito ay matapos mahalal ang Pilipinas bilang bagong chairman ng RECAAP o Regional Cooperation Agreement on Combating Piracy and Armed Robbery Against Ships in Asia para sa taong 2018 hanggang 2021 sa pamumuno ni Philippine National Coast Watch Center Director Rear Admiral Joel Garcia.
Ang RECAAP ay ang kauna-unahang kasunduan sa pagitan ng nasa dalawampung (20) regional governments kabilang ang ilang mga bansa sa Europa, Australia, United States at Pilipinas na naglalayong itaguyod at paigtingin ang pagtutulungan laban sa mga pirata at armadong bumibiktima sa mga barko sa Asya.
Sa ika-12 council meeting ng RECAAP sa Singapore, kinilala nito ang mga ginagawang pagsisikap ng Pilipinas at ibang pang kalapit na bansa para tugunan ang mga insidente ng pambibihag sa mga tripulante ng mga barkong dumaraan sa Sulu-Celebes Sea.
Kanila ring tinukoy ang pagbaba sa bilang ng mga insidente ng pangha-hijack ng mga barko sa nasabing karagatan kung saan mula sa naitalang 16 noong 2016 ay bumaba na lamang sa 7 nitong 2017.
—-