Dapat nang maghanda ang Pilipinas sa posibilidad ng panibagong COVID-19 surge sa susunod na dalawang buwan, lalo kapag natapos na ang May 9 Elections.
Ito ang inihayag ni Acting World Health Organization Representative to the Philippines, Dr. Rajendra Yadav matapos ang nakitang bahagyang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Ayon kay Yadav, bilang preparasyon upang maiwasan ang posible muling pagtaas ng COVID-19 cases ay dapat magsuot ang lahat ng facemask at magpa-booster shots.
Binigyang-diin ng WHO official ang kahalagahan ng patuloy na recalibration ng COVID-19 response habang inirerekomenda rin nila ang house-to-house vaccination, para sa mga hindi pa nababakunahan.
Mula anya ngayong Abril hanggang Mayo ay magsasabay ang Semana Santa at Ramadan ng mga Filipino bukod pa sa mga election-related activity simula Pebrero 8 kaya’t asahan pa ang dagsa ng mga tao.
Una nang inihayag ng Infectious Disease Expert na si Dr. Rontgene Solante na ang mga siksikang campaign activities at humihinang immunity ng mga tao na wala pang booster ang mga maaaring maging dahilan ng panibagong COVID-19 surge.