Plano ng Department of Tourism (DOT) na gawing ‘religious pilgrimage’ destination ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagsasaayos at pag-develop sa mga historical shrine at lumang simbahan sa buong bansa.
Ayon kay Tourism Secretary Wanda Teo, ang panukalang proyekto ay magiging bahagi ng preparasyon sa taong 2021 para sa komemorasyon ng ika-limandaang (500) anibersaryo ng pagdating ni Ferdinand Magellan sa Cebu.
Isa aniyang ideal destination para sa religious pilgrimage hindi lamang para sa pamamasyal kundi upang maranasan ang mga tradisyon ng mga Filipino mula pa sa panahon ng mga Espanyol.
Nito lamang Sinulog Festival, halos dalawang milyong katao ang dumagsa sa Cebu City para sa pista ng Sto. Niño na sinabayan ng buhos ng mga deboto na nagdiriwang din ng kahalintulad na kapistahan tulad sa Tondo, Maynila.
Una nang ibinida ng DOT ang paglago ng turismo sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Ayon kay Teo, simula sa ginanap na Miss Universe pageant noong Enero 2017, nagtuloy – tuloy na ang pagpasok ng mga turista sa bansa.
Dagdag pa ni Teo, bukod sa ginanap na Miss Universe, malaking kadahilanan din ng pag – usbong ng turismo ang lumalaking bilang ng mga turistang mula sa China at India.