Inaasahan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang pabagu-bagong lagay ng domestic markets ng bansa.
Ito’y bunsod ng tinaguriang Brexit o ang tuluyang pagkalas ng United Kingdom sa European Union.
Ayon kay BSP Governor Amado Tetangco Jr., mararamdaman lamang ng Pilipinas ang epekto ng Brexit sa paggalaw ng US dollars na siyang direktang apektado nito.
Batay sa tala ng BSP sa pagtatapos ng 2015, tinatayang tumaas ng 30 percent ang kabuuang bilateral trade sa pagitan ng Pilipinas at UK na umabot sa 2.6 billion dollars.
Samantala, tiwala ang ilang mga eksperto sa larangan ng ekonomiya na magiging bahagya lamang ang epekto sa Pilipinas ng tinaguriang Brexit.
Ayon kay April Lee Tan, Head of Research ng Col Financial, hindi naman aniya kabilang ang United Kingdom sa top 10 export destinations ng bansa kaya’t wala silang inaasahang malakas na impact mula rito.
Nitong Biyernes, bahagyang humina ang halaga ng piso kontra sa dolyar na nagsara sa P46.95 pesos mula sa 46.53 pesos na naitala nuong huwebes
Nakapagtala rin ng 1.29 percent na pagbaba ang local stocks nuong isang linggo kung saan, naitala sa 100.06 points ang stock exchange index.
Asean Countries
Dapat magsilbing aral para sa mga bansa sa Asya tulad ng Thailand at mga kasapi ng ASEAN ang ginawang Brexit o pagkalas ng United Kingdom sa European Union.
Ayon kay dating Thai Finance Ministry Permanent Secretary Dr. Sathit Limpongpan, ipinakita ng Brexit ang pagkakamali ng EU dahil sa kabiguan nitong mai-angat ang ekonomiya ng mga bansang kasapi nito.
Binigyang diin ni Sathit na hindi makatutulong sa mga bansa na may iba’t ibang antas ng ekonomiya ang pagpapantay nito sa pamamagitan ng iisang alyansa.
Mali rin aniya ang kinahinatnan ngayon ng EU dahil sa nagsilbi na itong political body gayung ang tunay na layunin nito ay tulungan ang mga bansang nalulugmok na sa kahirapan.
By Jaymark Dagala