Posibleng sa ikalawang bahagi o mula Abril hanggang Hunyo pa ng susunod na taon maaaring maging available sa Pilipinas ang bakun kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ni Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng Philippine Council for Health Research and Development, sa kabila nang naunang pahayag ng World Health Organization na maaaring magkaroon nang bakuna kontra COVID-19 sa katapusan ng taon.
Ayon kay montoya, hindi kaagad makakakuha ng suplay ng bakuna kontra COVID-19 ang Pilipinas, oras na maging available na ito.
Paliwanag ni montoya, dapat isalang-alang na magmumula sa ibang bansa ang naturang bakuna kaya sila ang mauunang gagamitin nito.
Bago aniya ito dalhin o ipamahagi sa ibang bansa, kinakailangang maaprubahan pa ito ng sarili nilang Food and Drug Administration (FDA).
Dagdag ni Montoya, mayroon ding sariling proseso ang Pilipinas bago rin ito magagamit sa bansa.