Inaasahang magkakaroon ng nasa 9.2 milyon na suplay ng COVID-19 vaccine mula sa Astrazeneca ang bansa sa susunod na buwan o sa Abril ngayong taon ayon sa World Health Organization (WHO).
Ito ay sa pamamagitan ng COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) facility kung saan naglalayong mabigyan ng ligtas at mabisang bakuna ang mga bansang kabilang dito.
Ayon kay WHO Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe, makatatanggap ang bansa ng nasabing bilang ng bakuna kung makukumpleto ng bansa ang mga requirements na kailangan.
Ang mga naturang requirements ay kakailanganin din para sa maayos na transaksyon para sa suplay ng bakunang gawa ng Pfizer BioNTech.
Matatandaang una nang inihayag ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na nakatakdang makakuha ng suplay ng bakuna ng Pfizer ang bansa na nsa 117,000 mula sa COVAX facility.—sa panulat ni Agustina Nolasco